Ako, ang Taft Avenue …at ang UP
Ako at ang Taft Avenue… mahabang kwento ito! Una kong narinig ang tungkol sa Taft sa aking ate, first year siya noon, Area Studies sa UP Manila at ako 3rd year highschool pa lang. Basta ang alam ko, dun kung kalye ng UP…at ng Rob! Wow mall! Ang swerte ni ate!
Akala ko dati papayagan ako ng aking inay na huwag muna mag-college. May panata ako sa sarili ko na pag ‘di ako pumasa sa UP, magpapahinga muna akong isang taon bago sumubok ulit sa ibang pamantasan. Akala ko magkaka-nervous break down ako nung highschool. Hindi ako nag-apply sa ibang school at alam kong labis-labis ang pagnonobena ni mommy sa kung sinu-sinong santo para sa akin. Gumapang sa kahabaan at ka-initan ng Quiapo, tumulay sa miswa, lumamon ng apoy, ganyon si ma! Nagkataon na hindi ako pumasa sa UPCAT, pero pinanindigan ni mommy na hindi! Hindi lang daw ako umabot sa cut off kaya ipapa-reconsider niya. Kawalan daw yon ng UP, matalino daw ako at maganda naman, pero siyempre nanay ko siya; kahit ikasunog niya sa impyerno ang pagsisinungaling, ok lang. Pinapili niya ako kung sa Manila o sa Diliman ko gusto mag-aral. Seryoso ko siyang sinagot na parang gusto kong mag-agriculture sa UP Los Baños para kung sakali maipagpapatuloy ko ang pamamalakad ng mga bukid ni lolo sa Mindanao. May sira na daw ako sa tuktok at bakit daw gusto ko pang magpa-rape sa kagubatan. Kung tutuusin mas maraming course sa Diliman at may pinsan naman akong kumukuha ng public ad.doon. Pero sabi ni mommy sa Manila na lang daw ako para si ate na mismo ang magbabantay sa akin. Masyadong malaki ang Diliman para ma-matyagan ako Palagi ng aking pinsan; wala talagang tiwala sa akin si mama. Pero, parang tadhana, d’on nagsimula ang love affair ko kay Taft.
Noong unang linggo ko sa UP, hirap na hirap akong pumasok. Matapang ako mag-commute pero bulok talaga ako sa direksyon kaya kahit anong turo ni ate lagi akong nawawala. Halos tatlong linggo din bago ko naperpektong pumara ng sakto; minsan Kalaw pa lang bumababa na ako, feeling ko kasi ang lapit na. Minsan naman nasa Pedro Gil na ako bago mag-register sa utak ko na, teka, lagpas na yata ako, hindi ko na alam ang lugar na ito!
Malaman-laman ko lang na karamihan ng mga kaklase ko ay mga “recon” din pala. Medyo bumalik ng konti ang self-esteem ko. Nung una pakiramdam ko’y isa akong basahang pinilit itabi sa mga henyo. Kala ko kailangan maging ka-buhok ko muna si Einstein bago ako maging katanggap-tanggap. Hindi naman pala… medyo lang…Sa kabuuanok lang naman sa akin ang pagpasok, minsan nga lang pabugsu-bugsoang enerhiya ko, parang manic-depressive. Na-weirdohan din ako sa ibang prof o baka hindi lang siguro ako sanay na informal yung treatment nila sa mga estudyante.
Marami akong ayaw sa UP, ayaw ko yung pagkain kasi mapapa-fast food ka Palagi at ito’y nakakataba. Ayoko yung mga CR dahil minsan walang tubig. Ayoko din ng mga maiingay na aircon, feeling ko sasabog sila anytime at lalapnusin yung mukha ko. Pero ang pinakaayaw ko sa lahat ay yung papunta at pauwi sa bahay. Puñeta! Mapapamura ka ng todo sa saobrang traffic.
Taga QC ako kaya halos 1 oras ang biyahe ko. Babagtasin ko ang kahabaan ng Espanya (mula E.Rod), Quiapo, Lawton, tsaka pa lang ako makakarating sa Taft. At dahil kuripot ako (jeep at hindi FX ang sinasakyan ko) nalalanghap ko ang halimuyak ng kalunsuran. Hindi na ako magtataka kung sinabi sa akin isang araw na may taning na ang buhay ko dulot ng lung cancer.
Malimit banggitin ng mga progresibong org na nasa lansangan ang tunay na buhay at doon ka talaga matututo. Aba, totoo pala! Simula pa lang , feeling ko ang galing ko na dahil wais na ako, marunong na sa buhay (at pwede na ikasal) Magbabanggit ako ng ilan sa mga ito. Natutunan ko na:
Huwag masyado magsuot ng puti dahil mabilis itong malulusaw. Walang ibang paraan para ibalik ang tunay nitong kundi babarin ito ng magdamagan sa matapang na bleach (pinakamadumi ang hangin pag rush hour sa Taft)
Huwag agad tatawid kahit green na ang stoplight para sa tao, hindi kaagad kumakagat ang preno ng mga sasakyan.
Magdasal ka araw-araw kung Mahal mo pa ang buhay mo; kahit bakla at batang babae pwede kang tutukan ng banana cue stick at hold-apin ang bag mo.
Mas mabuti pang matulog na lang kaysa mag-isip habang trapik kundi maaga kang mapra-praning.
Hindi bodhi tree ang bubong ng jeep, siguraduhing nagawa na ang homework at nakapag-aral na bago umalis ng bahay.
Maagang lalabo ang mata mo kung lagi mong pipiliting basahin ang ga-dangkal mong readings habang nagco-commute
Sari-sari ang mga taong makakasalumuha mo. Marami ang naniniwala na sila ang hari ng kalsada. Magdala rin lagi ng panyo; mahusay itong pananggalang kung may BO/ halitosis ang katabi mo.
Huwag masyadong gumastos sa pagpe-pedicure dahil lagi’t-laging madudumihan ang paa mo pwera lang kung marunong kang mag-levitate. Sayang ang French-tip, manghihinayang ka lang…
Sa kalsada pantay-pantay ang lahat. Maging kalbo, matalino o maputi ka man, ash tray ang labas mo.
Kahit ano pang panlalait ang gawin mo hindi kusang lilinis ang hangin, gagalang ang mga barubal na drayber, mawawalan ng lubak ang kalsada at titino ang mga gago’t kupal na buwaya.
…at dahil alam ko ang lahat ng ito alam ko rin kung alin ang dapat magbago/ baguhin. Ang Taft, kahit hindi tunog Pilipino ay sumisimbolo sa Pilipinas gaya ng iba pang busabos na kalye. Maaaring puro kabulukan ang nakikita ko pero hindi ibig sabihin nito na tanggap ko ang riyalidad na ito. Mahal ko ang Taft, ang UPM at ang Pilipinas kahit gaano pa man ako pinahihirapan nito na alam kong ‘di naman sadya. Inutusan ako ni mommy na mag-shift sa ibang course; kung dati sinusunod ko lahat ngayon tumutol ako dahil alam kong kailangan ng Taft, UPM at ng Pilipinas ng mga tulad ko.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home